Wednesday, July 13, 2011

a tribute to mothers

Hindi ko alam kung paano ko sisimulan itong isusulat ko kasi sa totoo lang ang bigat ng loob ko.  Gusto kong kumausap ng ibang tao para humingi ng tulong o sabihin na natin nang payo o siguro kailangan ko lang ng isang tao na mailalabas ko yung lungkot kong nararanasan ngayon.  Ngunit kung sino at kanino ko ibubuhos lahat ng ito ay hindi ko alam. 
               Kanina pag-uwi ko galing sa trabaho nakita ko yung mommy ko na humihikbi kausap yung isang tauhan namin.  Nilapitan ko yung nanay ko tapos tinanong ko kung anong meron.  Sa mga ganitong pagkakataon minsan mas malapit pa tayo sa ating kaibigan kaysa sa sarili nating kadugo.  Ito yung napagtanto ko sa karamihan ng tao.  Minsan mas naibubukas natin ang ating kalooban sa ibang tao na minsan lang natin nakasalamuha kaysa sa sarili nating pamilya.  Pero sa pagkakataong ito, ayoko ng maging iba sa aking nanay siguro panahon na para ako naman ang sumaklolo sa kanya at hindi ang ibang tao, para anu pa't nakapagtapos ako ng sikolihiya kung sa aking sariling pamilya ay hindi ko ito magamit o maibahagi man lang.
              Nung simulan kung tanungin kung anong nangyari, umiyak na siya ng umiyak.  Siguro ganun nga yun kahit nung tayo ay mga bata pa lang pag ang iyong nanay o kahit sinuman ay hinaplos ka at tinanong kung okay ka lang ay hihikbi ka na ng pagkalakas-lakas na parang inapi ka o pasan mo ang lahat ng problema sa mundo.  Ganito ang nangyari kanina.  Hindi ko mapigilan ang mga luha ko pero kailangan kong magpakatatag para hindi niya ako makita ng mahina.  Ang nanay ko pa naman pag sobrang iyak ay hindi nakakahinga, naninikip ang dib-dib, namumutla at minsana ay hinihimatay.  Alam kong pagod na siya at bilang anak niya wala akong magawa.  Wala akong maipayo, parang sarado ang aking lalamunan at hindi ko alam ang aking sasabihin.  Hindi naman kasi kami sanay sa pamilya na nagpapalitan kami ng naramramdaman kung baga hindi kami masyado malapit sa isa't-isa.
                Kahit hindi sinasabi ng aking ina ang nararamdaman niya alam ko yung bigat na nararamdaman niya, pero naiinis ako sa sarili ko kasi wala akong magawa para makuha yung bigat na nararamdaman niya. Sana sa akin na lang.  Hindi ko alam kung paano siya tutulungan pero kahit ako ang bigat na ng loob ko.  Pero at least bata pa ako eh siya patanda na siya.  Yung nanay ko pa naman yung tipo na matigas baliin na tao.  Marami akong gustong sisihin pero wala rin yung saysay.  Alam ko pa naman yung pinagdadaanan niya, pero siguro yung sakit medyo hindi ko ramdam.  Nung niyakap ko ang aking ina, humagalpak na siya sa iyak.  Siguro yun ang kailangan niya, yung taong magsasabi na okay lang ang lahat.  Kung tutuusin hindi kami mukhang mahirap, pero sa totoo lang nararamdaman ko na na naghihirap na kami.  Ang problema kasi sa aking ina ay isinasaloob niya masyado ang problema.  Masyado niya itong iniisip, yung mga utang, bayarin, pagkain, at kung anu-ano pa.  Sino nga naman ako para sabihin wag iyon problemahin, kung ang ating maguukopa sa iyong isip ay problema.  Sa panahong iyon, ang sinabi ko na lang sa nanay ko ay: Lahat ng tao ay may problema, wag na lang niya masyadong isipin dahil hindi rin naman agad-agad itong masusulusyunan.  Isa Diyos na lang niya at tutulungan siya nito..sinabi ko rin na andito naman ako.
                    Ngayon, mas lalu ko nang nainitindihan ang kanyang nararamdaman, kahit na siguro na ganu man natin inis ang nanay, o kahit minsan nakaka-aburido na sila, totoo nga naman yung sabi ng iba na iba parin ang nanay.  Siguro yung aking ina sobra-sobra ang lungkot na nararamdaman niya.  Naaawa ako sa kanya.  Pero sana ay maunawaan niya na hindi siya nag-iisa kailangan rin lang ang buksan niya ang puso niya sa mga taong handa namang makinig sa kanya.  Sino pa nga ba ang tutulong sa kanya kung hindi ako rin...o kami rin.
                    Sana maunawaan ito ng aking ina habang may panahon pa. 
        
 

No comments:

Post a Comment